Small story about Apple icon Steve Jobs.
Maraming tao sa buong mundo ang nalungkot sa balitang pumanaw na ang founder at dating CEO ng Apple Corp. na si Steve Jobs. Ang Apple ang kompanyang gumagawa ng mga computers, ng iPod, iPhone, at iPad.
Ngunit hindi lamang iyon ang kanyang “claim to fame.” Hindi siya nirerespeto ng mga tao dahil sa iPad at iPhone; isang magandang kuwento ang kanyang buhay.
Inampon ng mag-asawang Paul at Clara Jobs si Steve, na ipinaampon ng kanyang nanay dahil wala pa itong asawa. Nang matapos siya ng high school, nag-enroll siya sa Reed College sa US; ngunit matapos ang isang semestre, nag-drop out na siya at um-attend na lamang ng mga klaseng gusto niya.
Sa edad na 20, nakagawa sila ng kaibigan niyang si Steve Wozniak ng isang computer sa garahe ng magulang ni Jobs. Sa sumunod na taon, itinatag na nila ang Apple.
Hindi madali ang naging buhay ni Steve Jobs. Noong 80s, ipinatalsik siya ng CEO ng Apple dahil hindi sila magkasundo. Naging mukha ng kabiguan si Steve Jobs. Ngunit sa kanyang talumpati sa graduation ng prestihiyosong Stanford University noong 2005, sabi niya na isa sa pinakamagandang nangyari sa kanya ang kanyang pagsisante sa kompanyang itinatag niya. Masakit noong panahong iyon, ngunit dahil nawalan siya ng trabaho, naging daan iyon upang mahasa ang iba pa niyang ideya, ang kanyang pagkamalikhain. Hindi niya hinayaang lumubog ang sarili niya sa depresyon, subalit ginamit niya ang karanasan niyang iyon upang maghanap ng ibang paraan upang malagpasan ang kabiguan at maging matagumpay muli.
At maganda nga ang kinalabasan. Nag-asawa si Steve at nagkapamilya, nagsimula siya ng bagong computer company, pati ang animation company na Pixar na siyang naglikha ng pelikulang Toy Story. At noong 1997, binili ng Apple ang bagong kompanya ni Steve na NeXT, at ‘di lumaon ay naging CEO na siya ng Apple.
Dahil sa kanyang magaling na pamamalakad, naging isa sa pinakamahusay at pinakasikat na kompanya ang Apple. Nagsimula ito sa paglabas nila ng iPod at nananatili hanggang ngayon.
Marahil pinakakilala si Steve Jobs hindi dahil ampon siya, hindi dahil hindi siya nakatapos ng kolehiyo, ngunit dahil sa kanyang kakayanang gawing bago ang mga lumang bagay. Sa totoo lang, matagal nang may mp3 player bago pa man dumating ang iPod. Hindi rin si Steve Jobs ang nag-imbento ng “tablet computers,” ngunit ang iPad lang ang naging hit sa ganitong klaseng produkto. Dahil sa innovation ni Steve Jobs, ang pag-iisip ng mga kakaibang upang mapabago ang luma kaya umangat muli ang kompanya niya.
Halos lahat siguro ng mga gumagamit ng Apple products ang humahanga kay Steve Jobs dahil nga sa innovation niya at vision para sa kompanya. Marami rin ang humahanga dahil nakabangon siya mula sa kabiguan upang patunayan ang tunay niyang kakayahan. Napatunayan ni Steve Jobs na hindi mo kailangang maging heredero, hindi mo kailangang maging summa cum laude, hindi mo kailangang maging matagumpay sa lahat ng gawin mo upang maging matagumpay sa buhay at maging inspirasyon sa milyun-milyong tao. Napatunayan ni Steve Jobs na malayo ang mararating ng innovation, ng pagiging pagkamalikhain at mapagpursige upang magkaroon ng impluwensiya sa mundo. Kailangan alam mo ang gusto mo gawin at pagsikapang matamo ito kahit ilang beses ka nang nabibigo.
Ito siguro ang mga aral na mapupulot nating mga Pinoy kay Steve Jobs. Hindi man nating lahat kayang bilhin ang kanyang mga produkto, ngunit kaya nating gawin ang ginawa niya sa buhay—magtagumpay.
Isa sa pinakamahalagang puwedeng gawin ng isang lider ang maibahagi ang kompanya (o ang bayan) sa mga tao, na feeling nila sila rin ang may-ari. Isa sa mga dahilan kung bakit ko rin gusto si Steve Jobs ay dahil ang mga Apple products ay parang handog niya sa mga mamimili: pinag-isipan at maganda ang kinalabasan. Feeling mo tuloy, kilala mo talaga si Steve. Feeling mo bahagi ka rin ng kompanya, na ang Apple ni Steve Jobs, Apple mo rin.
Owned & Updated by Mark Lester A. Alarcon; ©2010-2012 iDroid Services. Powered by Blogger.
0 comments:
Post a Comment